Manila, Philippines – Umaapela si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel na huwag ng bigyan ng kulay ang imbestigasyon ng Kamara sa isyu ng Ilocos 6 na nahaharap sa iregular na paggamit ng local tobacco funds na kinasasangkutan din ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos.
Giit ni Pimentel, hindi ang banggaan ng Kamara at Court of Appeals ang isyu dito kundi ang korapsyon sa paggamit ng pondo na para sa mga tobacco farmers.
Nais lamang nilang malaman sa Kamara ang iligal na paggamit ng 66.4 Million pesos na tobacco excise tax funds na ginugugol sa pagbili ng mahigit isang daang sasakyan ng Ilocos Norte.
Paliwanag ng kongresista, maraming nalabag na batas sa transkasyong ito ng ilocos norte na dapat namang magkaroon ng pananagutan.
Samantala, naipadala na sa Ilocos Norte ang subpina ng komite kay Governor Marcos na nag-aatas dito na dumalo sa pagdinig sa Kamara sa July 25.
Inaasahan ni Pimentel na matatanggap ni Marcos ang subpina at wala nang dahilan para hindi ito sumipot sa pagdinig.