Manila, Philippines – Nakatakdang magpulong bukas ang dalawang Kapulungan para pag-usapan ang mga priority bills na ipapasa bago mag-sine die adjournment sa June 3.
Mula alas otso hanggang alas dyes ng umaga bukas ay isasagawa ang paguusap ng dalawang Kongreso sa EDSA Shangrila Hotel.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Farinas, tutukuyin at pagkakasunduin ng Kamara at Senado ang mga dapat na unahin at ipasang panukala bago ang pagtatapos ng 1st regular session ng 17th Congress.
Isa sa mga mapag-uusapan ay ang pagpapalit ng uri ng gobyerno mula sa Presidential patungong Federal form of government.
Kabilang naman sa 39 na priority measures ng Kongreso ang Income Tax Reform Act, Traffic and Congestion Crisis Act, Estate Tax Reform, End of Contractualization, Free Irrigation Services Act, at Salary Standardization Law 4.
Dagdag din dito ang Free Internet Access sa mga pampublikong lugar, Enhanced Universal Health care Act, Anti-Discrimination Act, Free school feeding, Free higher education Act, Expansion of Local Absentee Voting Act, National ID system at iba pa.
Bukas din, Mayo 2, ay muling magbubukas ng sesyon ang Kongreso para bigyang daan ang pagtalakay at pagpapasa sa mga panukalang batas.
DZXL558