Nagkasundo ang dalawang kapulungan ng Kongreso na mananatili ang itemization sa 2019 budget.
Ito ang pahayag ni House Committee on Appropriations Chairman Rolando Andaya Jr., matapos ang unang bugso ng pulong sa senado kasama ang dalawa sa 3-man panel ng Kamara na sina Albay Rep. Edcel Lagman at San Juan Rep. Ronaldo Zamora.
Ayon kay Andaya, nailatag naman ng dalawang kapulungan ang kanilang mga punto sa budget at mananatili ang itemization ng dalawang kapulungan.
Aniya, nagkaroon ng mga paglilinaw at pagkakaintindigan sa pagitan ng Kamara at senado na walang nilalabag sa pagkakaapruba sa 2019 budget at ito ay ipinasa salig sa konstitusyon.
Itinanggi din ni Andaya na may realignment na ginawa sa budget.
Pinuri naman ni Andaya si Senator Panfilo Lacson na maganda ang naging pagdala sa pulong at nakinig sa kanilang mga kongresista.
Magkakaroon pa ng ‘series of meetings’ hanggang mamayang gabi at inaasahan na may mapagkakasunduan na ang dalawang kapulungan patungkol sa pambansang pondo.