Manila, Philippines – Bumuo na ang House Committee on Constitutional Amendments ng technical working group na siyang bubuo sa draft ng bagong konstitusyon.
Ayon kay Committee Senior Vice Chairman Vicente Veloso, ang TWG na ito ang maglalatag ng Philippine Federal Constitution habang hindi pa nakakapagtalaga si Pangulong Duterte ng mga eksperto na bubuo ng Constitutional Commission o ConCom.
Ikukunsidera ng TWG ang isusumiteng draft nina PDP-Laban Federalism Institute Executive Director Jonathan Malaya at Local Govt Devt Foundation Executive Director Edmund Tayao.
Target naman na matapos nina Malaya at Tayao ang kanilang proposed draft para sa Philippine Federal Constitution sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Ang magiging resulta naman ng trabaho ng TWG ay inaasahang maisusumite sa mother committee sa Nobyembre habang posible umanong maiakyat at matalakay ito sa plenaryo sa January 2018.