Manila, Philippines – Sinimulan na liderato ng Kamara ang pagbuo ng trust fund bilang pantulong sa mga apektado ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, bukas ang Kamara na magbigay ng ayuda sa mga biktima sa Marawi crisis.
Sa kabilang banda, hindi binanggit ni Alvarez kung magkano ang nasa trust fund at kung saan magmumula ang pondo nito.
Hindi pa rin nagpapaliwanag ang speaker kung paano ang mekanismo para mapakinabangan ito ng mga pamilyang nagsilikas sa Marawi City.
Pero binigyang diin niya na ito ang paraan ng Kamara para sila ay aktwal na makatulong sa mga pamilya na mas pinahihirapan ngayon ng bakbakan ng Maute at pwersa ng gobyerno.
Marami namang mga kongresista ang nagpahayag ng kahandaang tumulong para sa mga taga-Marawi.
Handa ang mga mambabatas na makabuo ng donasyon at ikaltas ito sa kanilang sweldo.
DZXL558