Bumwelta ang mga kongresista sa naging komento ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na walang personal gain sa parte ng mga senador ang inaprubahang Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2.
Kinwestyon ni Deputy Speaker Dan Fernandez ang Senado sa pagkakaapruba ng Bicameral Conference Committee sa Bayanihan 2 kung hindi naman pala ito pasado sa kanilang standards.
Sinabi pa ng Deputy Speaker na mistulang nagkakasalungat ang mga pahayag at aksyon ng Senado dahil gustong ipakita na ginawa nila ang kanilang parte sa Bayanihan 2 upang makahikayat ng mayorya ng supporters ng Pangulo pero tila gusto rin nilang dumistansya sa Bayanihan 2 para sa ikalulugod naman ng mga kritiko ng economic stimulus measure.
Tahasan pang sinabi ni Fernandez na nagagamit ng Senado ang Kamara para magpakitang gilas upang mahalal muli sa 2022 elections.
Kinontra rin ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang ilusyon ng mga senador na “pure advocacy” ang kanilang isinulong sa Bayanihan 2 dahil sa katunayan ang pinal na 40 major provisions ng economic stimulus ay inilatag ng Kamara at ito ay in-adopt na lamang ng mga senador.
Ipinaalala pa ni Defensor na ang mga kongresista at senador ay co-equal members ng Kongreso na inihalal ng taumbayan kaya walang sinuman sa kanila ang mas magaling o mas angat sa iba.
Dagdag pa niya dito, kung sisilipin ang minutes ng deliberasyon sa Bayanihan 2 ay makikitang naging patas at objective sa talakayan ang mga kongresista sa mga contentious issue partikular na sa P10 billion na pondo ng tourism industry.