Pilit nang sinisingil ngayon ng oposisyon sa Kamara ang mga awtoridad at kaukulang ahensya kaugnay sa pagpapanagot sa mga indibidwal at mga grupo na nasa likod ng talamak na “smuggling” ng agricultural products sa bansa.
Giit ng Minorya sa Kamara, dapat ay may napanagot na ngayon pa lamang sa bigat ng mga ebidensya na magpapatunay na malala na ang pagpupuslit ng mga produkto sa bansa.
Ilang beses na ring nagsagawa ng pagdinig ang mga mambabatas ukol sa smuggling, pero paulit-ulit na lamang ding nangyayari ang smuggling ng mga produkto.
Dismayado ang mga kongresista sa bilyung-bilyong piso na nawawala sa kita ng gobyerno mula sa smuggling, habang ang bansa ay nasa panahon pa na nangangailangan ng pondo para maipagpatuloy sana ang mga programa at subsidiya sa mga tinamaang sektor dahil sa pandemya.
Giit pa ng House Minority na ituloy pa rin ng Kongreso ang masusing imbestigasyon ukol sa smuggling upang matukoy at masolusyunan ang kahinaan ng sistema at proseso na may kaugnayan sa importasyon, gayundin para mawakasan na ang katiwalian sa mga ahensya partikular sa Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC).