Pagsisikapan ng Kamara na maibalik ang P500 million para sa mga mahihirap na may cancer na tinapyas sa panukalang pondo ng Department of Health (DOH) sa susunod na taon.
Diin ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera, mahalaga ang nasabing pondo para matulungan at maisalba ang buhay ng mga maralitang may cancer.
Sabi ni Herrera, higit ngayong kailangan ang nasabing salapi dahil nakadagdag sa kagipitan ng mga cancer patients ang COVID-19 pandemic.
Sa budget briefing ng Kamara ay sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na hindi ito isinama sa panukalang pondo na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kongreso para sa 2023.
Paliwanag ni Vergeire, ang nasabing assistance fund ay pangunahing bahagi ng National Integrated Cancer Control Act of 2019 na layuning mabigyan ng abot-kayang serbisyong pangkalusugan ang mahihirap na cancer patients.