Kamara, handang magkasa ng marathon hearings para matukoy ang middlemen na siyang nagpapataas sa presyo ng mga produktong agrikultura

Handa ang House of Representative na magsagawa ng marathon hearings kahit abutin ng ilang buwan para mahubaran ng maskara ang middlemen na siyang nagpapataas sa presyo ng mga produktong agrikultura.

Ito ang iginiit ni Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Representative Jil Bongalon kasabay ang paalala na ang matinding imbestigasyon din ng Kamara noon ang nagbunyag sa mga indibidwal na bahagi ng cartel na nasa likod ng pagtaas sa persyo ng sibuyas.

Ang pahayag ni Bongalon ay bilang suporta sa direktiba ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na imbestigahan ng Committee on Agriculture ang mataas na presyo ng bigas at pangunahing bilihin na malayo sa farm gate price o presyo produkto kapag direktang binili sa mga magsasaka.


Nagpapasalamat naman sina House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong at Davao Oriental 2nd District Representative Cheeno Miguel Almario sa nabanggit na utos ni Speaker Romualdez bigyang tugon sa matagal ng suliranin ng mga magsasaka.

Giit naman ni Deputy Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Party-list Representative Margarita “Atty. Migs” Nograles na nararapat lamang na imbestigahan ang lumalawak na agwat sa presyo ng farm gate at retail dahil nagpapahirap ito sa mga magsasaka at mamili.

Facebook Comments