Kamara, hihingi ng update sa DOH kaugnay sa pagbibigay ng ilang ospital ng food items sa mga health worker sa halip na cash para sa kanilang incentives

Humihingi ang ilang kongresista sa Department of Health (DOH) ng update kaugnay sa compliance o pagsunod sa Bayanihan 2 Law.

Ito ay matapos makarating ang mga reklamo sa tanggapan ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na ilang government hospitals partikular ang ilang specialty hospitals sa Quezon City ang lumalabag sa Bayanihan 2 dahil sa halip na cash incentives na P40,000 ang ibigay sa mga health workers ay food items at groceries ang ibinigay sa mga ito.

Umalma si Defensor dahil delayed na ng ilang buwan ang dagdag na kompensasyon na ito ay hindi pa ibibigay ng cash tulad sa inaasahan ng mga medical frontliners.


Nagbabala rin ang mambabatas na posibleng may labagin ang mga opisyal sa Procurement Law kung sumailalim ang mga ito sa procurement ng food items sa pamamagitan ng pakikipagnegosasyon sa mga suppliers.

Dagdag pa ni Defensor, naglaan ang Kongreso ng P13.5 billion sa DOH sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa incentives at iba pang pandemic response interventions kaya mahalagang maipaliwanag ng ahensya kung bakit hindi cash ang ibinigay sa mga health workers.

Facebook Comments