Kamara, hinikayat si dating PRRD na magsampa ng kaso sa halip na mag-akusa at magbanta sa mga kongresista

Hinikayat ng mga lider ng supermajority coalition sa House of Representatives si dating Pangulong Rodrigo Duterte na magsampa ng kaso sa halip na pagbantaan at akusahan ang mga kongresista kaugnay sa pagtanggal ng confidential funds sa ilang civilian agencies.

Ang super coalition ng Kamara ay binubuo ng Lakas-Christian Muslim Democrats, Nationalist People’s Coalition, Nacionalista Party, National Unity Party, PDP-Laban, Party-list Coalition Foundation Inc., at iba pa.

Sinabi rin ni House Secretary-General Reginald Velasco na kung may ebidensya si dating Pangulong Duterte na magpapatunay na may maling ginawa ang Kamara ay mainam na magsampa ito ng kaso sa halip na banatan sila sa pamamagitan ng negatibong paghayag sa media.


Tugon ito ng supermajority coalition sa Kamara at ni House Secretary General Velasco sa sinabi ni Duterte na may pork barrel ang Kamara at pagbabanta nito laban kay ACT Teachers Partylist Representative France Castro.

Sinabi ito ni Duterte, makaraang makasama sa tinanggalan ng Kamara ng confidential funds ang tanggapan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte gayundin ang pinamumunuan nito na Department of Education (DepEd).

Pinaninindigan naman ng Kamara ang pasya nitong alisan ng confidential funds ang ilang civilian agencies para ilipat sa mga ahensyang nagbabantay sa West Philippine Sea (WPS) at may mandatong pangalagaan ang seguridad ng buong bansa.

Facebook Comments