Pormal nang lumiham ang House Committee on Good Government and Public Accountability kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon para hilingin na payagang paharapin sa pagdinig sa Kamara si Pharmally Pharmaceutical Corporation Director Linconn Ong.
Si Ong kasi ay nasa ilalim ng kustodiya ngayon ng Senado matapos ma-contempt dahil sa pagiging “evasive” o pag-iwas nito na sagutin ang mga katanungan ng mga senador kaugnay sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan sa Pharmally ng medical supplies.
Sa sulat ni Committee Chairman at DIWA Partylist Rep. Michael Aglipay, hinihiling nito kay Gordon na payagang paharapin si Ong sa pagdinig ng komite kahit sa pamamagitan lang ng Zoom videoconferencing o online.
Tulad sa Senado ay iniimbestigahan din ng Kamara ang usapin sa pagbili ng overpriced na medical supplies ng gobyerno sa Pharmally gamit ang pondong inilipat ng Department of Health (DOH) sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
Mahalaga aniyang mabigyang-linaw nito ang tungkol sa umano’y overpricing sa medical supplies bilang ang kanilang kompanya ang napiling supplier ng gobyerno.
Samantala, ipinadala na rin ng komite ang subpoena para kay Pharmally Executive Krizle Grace Mago na pinapadalo rin sa pagdinig via Zoom videoconferencing.
Si Mago naman ang matatandaang nagbulgar na pinalitan ang production date ng mga face shields na binili ng pamahalaan.