Kamara, hiniling sa pamahalaan na gawin ang lahat ng paraan laban sa mga nasa likod ng text scams

Pinatitiyak ng Kamara sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na gawin ang lahat ng legal na hakbang upang matugis at mapanagot ang mga nasa likod ng mga naglipanang text scam.

Sa inihaing House Resolution 2378 ni Committee on Social Services Chairman Alfred Vargas, pinagsasagawa ng masinsinang imbestigasyon sa paglaganap ng spam text messages ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Telecommunications Commission (NTC), at National Privacy Commission (NPC).

Nakababahala aniya ang pagdami ng SMS phishing messages o “smishing” na maaaring magdulot ng disinformation at fake news.


Tinukoy pa sa resolusyon na mismong ang tanggapan ng pangulo ay naalarma na sa pagdami ng mga kaso ng text scam dahil nilalabag nito ang privacy.

Bukod dito, kapansin-pansin din ang pagtaas ng report ng mga kahina-hinalang transaksyon indikasyon ng surge o pagtaas ng mga kaso ng financial scams.

Mahalagang maprotektahan laban dito ang publiko at mapawi ang mga agam-agam na posibleng nakuha ang kanilang mga impormasyon gamit ang contact tracing forms na malinaw na paglabag sa Data Privacy Act of 2012.

Facebook Comments