Sisilipin na rin ng Kamara sa susunod na Linggo ang COVID-19 vaccination plan ng gobyerno.
Itinakda ng House Committee on Health na pinamumunuan ni Quezon Rep. Angelina Tan ang virtual hearing para sa COVID-19 vaccination sa Enero 18.
Ipinatawag naman sa pagdinig sina Health Secretary Francisco Duque at National Task Force (NTF) Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., kasama ang iba pang mga medical experts, mga health at civic organizations at mga ahensya ng gobyerno.
Dito ay titiyakin na hindi masasayang ang multi-bilyong pisong pondo para sa inoculation at sinisiguro rin na ang alokasyon ay gagamitin sa pagbili ng pinaka-epektibo at pinaka-ligtas na bakuna laban sa COVID-19.
Bibigyang linaw rin sa nasabing pagdinig ang iba’t ibang opinyon at isyu kaugnay sa government-procured vaccines.
Umaasa rin si Tan na sa pamamagitan ng pagdinig ay makakabuo ang Kamara ng konkretong legislative actions na makakatulong sa Ehekutibo na matiyak na magiging tagumpay ang mass vaccination plan.