Thursday, March 5, 2026

Kamara, inatasan ang Ethics Committee na pag-aralan ang kontrobersyal na pahayag ni Rep. Bong Suntay patungkol kay Anne Curtis

Inatasan ng House of Representatives ang Committee on Ethics and Privileges na pag-aralan ang kontrobersyal na pahayag ni Quezon City Rep. Bong Suntay patungkol sa kanyang “desire” at imahinasyon na makita sa mall ang aktres na si Anne Curtis.

Sa plenary session, isinulong ni House Assistant Majority Leader at San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora na magsagawa ng “thorough assessment” ang Ethics Committee sa mga sinabi ni Suntay sa kasagsagan ng pagtalakay ng House Committee on Justice sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Kasunod ito ng mga privilege speech sa plenaryo nina House Committee on Women and Gender Equality Chairperson Rep. Ann Matibag, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña, at Kabataan party-list Rep. Renee Co na pumupuna sa naging pahayag ni Suntay.

Inaatasan din ng Kamara si Suntay na dumalo sa mga pagdinig na ikakasa ng Ethics Committee na pinamumunuan ni Rep. JC Abalos.

Nanindigan naman si Rep. Suntay na hindi maaaring parusahan o papanagutin ang sinuman dahil lamang sa kanyang mga iniisip at imahinasyon kung wala namang ginawang maling aksyon.

Diin ni Suntay, nabigyan umano ng maling pakahulugan ang kanyang pahayag o analogy patungkol sa aktres na si Anne Curtis.

Facebook Comments