Kamara, inirekomenda ang pagtatalaga ng governor sa NCR

Iminungkahi ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda ang pagtatalaga ng isang Governor sa National Capital Region (NCR).

Inihalimbawa ng kongresista ang itinatag noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na Metro Manila Commission na pinamahalaan ng noo’y Governor na si dating first lady Imelda Marcos.

Isinusulong ni Salceda na gawing isang probinsya ang NCR na may governor na mamahala upang magkaroon ng iisang polisiya na susundin ng lahat ng 17 Local Government Units (LGUs).


Ang governor ay dapat inihalal ng taumbayan nang sa gayon ay mas maagap ito sa pagtugon sa pangangailangan ng nasasakupan.

Giit ng kongresista, ang NCR ay masyadong malaki, sobra ang populasyon, at napakahalaga para magkaroon ng watak-watak na polisiya pagdating sa transport, urban development, planning, crisis response, at economic convergence.

Punto pa ng mambabatas, dahil sa hindi nagkakaisa ang mga polisiya at pagpaplano sa NCR kaya naman hiwa-hiwalay rin ang mga hakbang sa pagtugon sa trapiko, kalamidad, at pag-unlad.

Isa na aniya rito ang ban sa provincial buses sa EDSA na nauwi sa pagtuturuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Transportation (DOTr) at ang commuters ang nahirapan at nalito sa polisiyang ito.

Facebook Comments