Kamara, ipagpapatuloy ang limitadong operasyon ngayong linggo

Mananatili ang limitadong operasyon sa Mababang Kapulungan ngayong Linggo bunsod pa rin ng mataas na kaso ng COVID-19.

Sa inilabas na memorandum ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza, hindi pa muna maibabalik ang regular na operasyon sa Batasan Complex bukas (May 3) at sa halip ay sa May 17 o sa pagbubukas ng sesyon na lamang itutuloy ang regular work operations.

Ang desisyon ay salig na rin sa polisiya na unahin ang kalusugan at kaligtasan ng mga empleyado sa Kamara laban sa sakit na COVID-19.


Nakasaad sa memorandum na magpapatuloy naman ang skeletal workforce o dalawa hanggang tatlong araw na pasok sa ilang mga opisina sa Kamara.

Kabilang sa mga tanggapan na ito ang; Office of the Secretary General, Administrative Department, Engineering and Physical Facilities Department, Finance Department, Legislative Operations Department, Legislative Security Bureau at Information and Communications Technology Service.

Pinapayagan naman ang pagpasok ng hanggang tatlong congressional members sa opisina ng mga kongresista ngunit kailangan munang magsumite ng mga pangalan sa Office of the Sergeant-at Arms.

Inaatasan naman ang Medical at Dental Services na magsagawa ng antigen test sa mga kawani na magrereport sa trabaho habang nasa ilalim ng skeletal work period ang Mababang Kapulungan.

Facebook Comments