Kamara, isusumite na ang 2021 national budget sa Oct. 28

Tiniyak ni House Appropriations Committee Chairman Eric Yap na tatalima na sila sa gusto ng Senado na maisumite ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) sa mas maagang panahon.

Ito ay kasunod ng pagkadismaya ng Senado na posibleng sa November 5 pa maibibigay ng Kamara ang printed na kopya ng 2021 national budget.

Ayon kay Yap, tutugon at susunod sila sa hiling ng Senado na isumite ang pambansang pondo sa October 28.


Pero nilinaw ni Yap na ang kanilang maipapasang kopya sa Mataas na Kapulungan na inaprubahang pambansang pondo sa 2021 ay hindi hard copy kundi print copy lang sa white paper katulad ng isusumite nila sa National Printing Office (NPO).

Dagdag pa ni Yap, kapag nagreklamo pa ang Senado dito ay wala na siyang magagawa at suko na siya sa mga senador.

Matatandaang nakiusap ang Kamara na matatagalan ang pagsusumite ng budget sa Senado dahil simula sa Lunes pagkasumite ng mga amendments ay ii-encode pa ang budget sa loob ng limang araw at iimprenta pa ito para sa hard copy sa NPO na tatagal naman ng sampung araw.

Facebook Comments