Mariing itinanggi ng Kamara na may ‘pork’ insertions sa panukalang 2020 National Budget.
Ito’y kasabay ng pagpapadala ng kopya ng House Bill 4228 o 2020 General Appropriations Bill sa Senado ngayong araw.
Hinihikayat ngayon ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga Senador na suriin ang budget kaysa sa patulan ang mga kumakalat na ‘tsismis.’
Tingin ni Cayetano, may ‘hang-over’ pa si Sen. Panfilo Lacson sa mga nangyari noong nakaraang taon kung saan na-delay ang approval ng 2019 budget.
Dahil dito, pinatutukoy ni Cayetano kay Lacson ang ‘pork’ sa 2020 budget.
Iginiit naman ni House Deputy Speaker Lray Villafuerte na legal at naaayon sa konstitusyon sa pagbuo nila ng small committee na nagproseso ng pag-amiyenda matapos maaprubahan ang budget sa pinal na pagbasa.