Kamara, kinalampag na sa pagpapaimbestiga sa water interruptions ng Manila Water at Maynilad

Kinalampag ni House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang Mababang Kapulungan na umpisahan na ang imbestigasyon sa Manila Water at Maynilad.

Nauna nang inihain ng MAKABAYAN sa Kamara ang House Resolution 10 na layong silipin ang mga naunang water interruptions ng Manila Water at Maynilad sa maraming bahagi ng Metro Manila.

Ngayong nauuulit nanaman ang pagkawala ng serbisyo ng tubig ay nababahala ang mambabatas na posibleng nagagamit nanaman itong dahilan para sa pagtatayo ng Kaliwa Dam na puno ng anomalya.


Mistula aniyang nabubuhay nanaman ang sabwatan ng MWSS sa mga water concessionaires para ipilit ang Kaliwa dam project.

Humirit din ang kongresista na ibalik sa publiko ang mga naunang ipinataw na rate increase para sa pagtatayo ng proyekto na mapagkukunan ng ibang suplay ng tubig, at ang pagsasapubliko sa record ng Commission on Audit (COA) para malaman kung saang proyekto napunta ang ibinayad ng mga consumers.

Facebook Comments