Muling magsasagawa ng imbestigasyon ang House Committee on Ways and Means kaugnay sa mga ulat ng “smuggling” ng mga produktong agrikultura sa bansa.
Idaraos ang nasabing congressional hearing pagkatapos ng Semana Santa.
Pinadadalo sa pagsisiyasat ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Department of Agriculture at Bureau of Customs para magbigay ng update sa mga hakbang laban sa smuggling.
Tatalakayin din ang “streamlining” ng mga proseso ng inspeksyon para sa mga produktong karne at iba pang imported na produkto.
Iba’t ibang resolusyon na ang inihain sa Kamara para silipin ang talamak na smuggling upang makapagsulong ng panukala o makalikha ng paraan upang masolusyunan ang naturang problema lalo’t lubos itong nakaka-apekto sa lokal na sektor ng agrikultura at lokal na merkado.