Maglalabas ang House Committee on Transportation ng isang joint resolution para sa ayuda sa public utility transport.
Kahapon ay nagsagawa ng pulong ang komite sa pangunguna ni Transportation Committee Chair Edgar Sarmiento kasama ang transport sector at agencies upang tugunan ang epekto ng magkakasunod na oil price hike.
Ayon kay Sarmiento, napagkasunduan sa executive session ang tulong na ibibigay ng pamahalaan sa public utility drivers at operators.
Posible aniya na gamitin ang probisyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law upang mabigyan ng cash vouchers ang mga public utility vehicle o PUV drivers at operators.
Batay sa Section 82 ng TRAIN Law, ang incremental revenues na kikitain sa loob ng limang taon mula nang ipatupad ang batas ay ilalaan sa ilang mga programa kabilang na ang fuel vouchers.
Dagdag pa ng kongresista, mayroon ding inaasahang pahayag ang Department of Energy (DOE) patungkol sa posibleng pagbaba ng presyo ng langis sa susunod na linggo.
Kasunod umano ito ng produksyon ng langis mula sa ibang bansa na siyang inaasahang makatutulong para maging matatag ang presyo ng produktong petrolyo.