Kamara, magpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa SONA; Batasan Complex, isasailalim sa 3-day lockdown

34

Naglatag na ng “very stringent” o napakahigpit na protocols ang Kamara bilang paghahanda sa huling State of the Nation Addres (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay House Sergeant-at-Arms Police Major General Mao Aplasca, mahigpit ang pakikipagugnayan ng liderato ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at sa Presidential Security Group (PSG) nang sa gayon ay matiyak ang seguridad ng pangulo gayundin ang ibang mga panauhing dadalo sa SONA sa Lunes.


Sa ulat pa ni Aplasca ay tiniyak nitong dalawang buwan bago ang SONA ay nakapaglatag na ang Kongreso ng contingency plans at nakapagsanay na rin ang lahat para masigurong ligtas ang mga bisita hindi lamang sa panganib kundi pati sa sakit na COVID-19.

Bagama’t wala naman aniyang banta sa seguridad ng Presidente at sa buong paghahanda ng SONA, nakalatag na rin ang plano at tugon sa anumang panganib at emergency ng intelligence unit ng AFP at PNP.

Mahigpit namang ipatutupad sa mga empleyado at sa mga dadalo ang polisiya na “No ID, No Entry” at car passes na inisyu ng Mababang Kapulungan.

Mula July 23 hanggang July 25 ay magpapatupad naman ng lockdown ang Legislative Security Bureau (LSB) upang matiyak ang kaayusan sa gaganaping SONA ng Pangulo.



Facebook Comments