Magpapatawag bukas ng pulong si House Committee on Health Chairman Angelina “Helen” Tan para linawin ang usapin kaugnay sa paggamit ng gamot na Ivermectin.
Kasama sa pulong ang mga kinatawan ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF), Food and Drug Administration (FDA) at mga health experts.
Dumarami na kasi ang panawagan ng ilang mga kongresista at doktor para sa pagpapahintulot na gamitin ang Ivermectin na gamot sa COVID-19.
Katunayan ay dalawang magkahiwalay na resolusyon na iniakda nina 1PACMAN Party-list Rep. Eric Pineda at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang nananawagan ng imbestigasyon “in aid of legislation” para silipin kung bakit hindi pa rin pinapayagan ang naturang gamot sa bansa.
Bagama’t nauna nang nilinaw ni FDA Director General Eric Domingo na hindi ipinagbabawal ang gamot na Ivermectin, pero para lamang sa hayop ang gamot na rehistrado sa bansa.
Maaari aniyang mag-apply para sa registration dahil wala pang rehistradong Ivermectin oral preparation na para sa tao.
Maliban sa nasabing gamot ay tatalakayin din ng komite ang estado ng health system sa gitna ng pagtaas ng COVID-19 cases, gayundin ang vaccine roll-out at medicine supply sa gitna ng pandemya.