Kasado na sa Biyernes ang isasagawang public consultation sa mga mangingisda ng House Committee on National Defense and Security at Special Committee on West Philippine Sea.
Ayon kay National Defense and Security Vice Chairperson Iloilo 5th District Rep. Raul Tupas, ito ay bahagi ng kanilang imbestigasyon sa umano’y “gentleman’s agreement” para sa paghahatid ng supplies sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Binanggit ni Tupas na target ng konsultasyon na mabatid ang kalagayan ng mga mangingisda at makuha ang kanilang sentimyento kaugnay sa nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea.
Sabi ni Tupas, makatutulong ito sa pagbalangkas ng Kongreso ng rekomendasyon o panukalang batas na makatutulong sa mga mangignisda lalo na at naglabas pa ang China ng utos sa China Coast Guard na arestuhin ang mga magagawi sa bahagi ng West Philippine Sea na kanilang inaangkin kahit sakop ng ating Exclusive Economic Zone.