Ikakasa bukas ng House Committee on Transportation ang emergency hearing para silipin ang sanhi ng pagkasunog ng power rectifier ng LRT line 2 kamakailan.
Ayon kay House Committee on Transportation Chairman at Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, uungkatin sa pagdinig ang mga hakbang kung paano maibabalik agad sa normal o maging full operation ulit ang LRT-2 na nagdudulot ng matinding pahirap sa maraming commuters at mga motorista.
Imbitado sa emergency hearing ang mga kinatawan mula sa Department of Transportation, Light Rail Transport Authority, at Light Rail Manila Corporation.
Kasama rin sa ipinatatawag ay ang mga opisyal ng LTFRB, DILG, MMDA, DPWH, PNP Highway Patrol Group, SMS, Skyway, SLEX at city bus operators.
Nilalayon ng pagpapaharap sa kanila na maungkat kung may inilatag ang mga ahensya na traffic management plan kapag may nararanasang transport crisis at kung paano maiiwasan ang ganitong sitwasyon.
Aabot sa 230,000 na pasahero aniya ang apektado ng nangyari sa lrt 2 at kulang na kulang ang may 40 bus na dinispatsa ng LTFRB at MMDA para isakay ang mga apektadong commuters.