Wednesday, February 11, 2026

Kamara, magsisikap na mapagtibay agad ang 52 na LEDAC priority measures

Tiniyak ni House Majority Leader Rep. Sandro Marcos na handa ang Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino Dy III, na isulong at pagtibayin ang 52 mga panukalang batas na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) .

Mensahe ito ni Marcos makaraang madagdagan ng apat ang dating 48 LEDAC priority measures.

Kabilang sa naidagdag ang mga panukalang batas para sa travel tax abolition, paglaban sa fake news and digital disinformation, pagpapaliban ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) gayundin ang Expanded Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act of 2026.

Ayon kay Congressman Marcos, mabilis na kikilos ang House of Representatives para matiyak ang pagpasa sa nabanggit na LEDAC priority bills upang makatulong sa hangad na reporma ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.

Sa ngayon ay 12 na sa LEDAC measures ang aprubado na ng Kamara sa huli at ikatlong pagbasa na makatutulong sa higit na pagpapahusay ng pamamahala sa bansa at serbisyo sa publiko.

Facebook Comments