Nag-alay ng memorial service ang Kamara para sa mga nakaupo at mga datihang kongresista gayundin ang mga kawani, secretariat at congressional staff na nasawi sa gitna ng COVID-19 pandemic dahil sa iba’t ibang kadahilanan.
Kasabay ng memorial service ay pagbibigay pagkilala sa serbisyo ng mga ito na pinangunahan ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Ayon kay Majority Leader Martin Romualdez, nakikiisa ang mga kongresista sa pagpupugay sa apat na miyembro ng 18th Congress na nasawi habang nagbibigay ng serbisyo sa taumbayan.
Kabilang sa apat na mga sitting congressmen na pumanaw sa gitna ng pandemic sina Benguet Lone District Rep. Nestor Fongwan, Camarines Sur 1st District Rep. Marissa Andaya, Senior
Citizens Party-List Rep. Francisco Datol, Jr., at Sorsogon 2nd District Rep. Bernardita “Ditas” Ramos.
Ang mga ito aniya ay hindi agad nabigyan ng pagkilala sa mga na-i-ambag sa bayan bunsod na rin ng mga limitasyon na ipinapatupad sa gitna ng pandemya.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang Kongresista dahil mas pinili ng mga pumanaw na mambabatas na ipagpatuloy pa rin ang kanilang pagseserbisyo sa publiko sa kabila ng banta sa kalusugan ng COVID-19.
Bukod sa apat na kongresista ng 18th Congress ay kinilala rin ang 19 na mga dating mambabatas at 21 house employees mula sa secretariat at congressional staff na pumanaw habang may health crisis.
Nakapagtala ang Kamara ng 86 COVID-19 cases kung saan 79 sa mga ito ang gumaling na.