Nagbanta ang House Committee on Labor and Employment na bubuwagin ang National Wages and Productivity Commission (NWCP).
Ito ay dahil sa kabagalan ng NWCP na aksyunan ang matagal nang panawagan para sa dagdag na sahod ng mga empleyado.
Sa pagdinig ng komite kaugnay sa pag-institutionalize ng national minimum wage sa bansa, nagbanta si Committee Chairman Eric Pineda na kung hindi gagawin ng NWCP ang kanilang trabaho ay mapipilitan ang Kamara na lusawin na lamang ang tanggapan at palitan ng ibang lupon.
Aniya pa, dapat ay proactive ang NWCP at hindi na dapat hinintay pang utusan ni Labor Secretary Silvestre Bello III o kaya ay ipatawag ng Mababang Kapulungan para lamang kumilos sa apela ng dagdag na sweldo.
Maaari naman pala aniyang motu proprio ang pagtataas sa sahod pero nakaabang pa ang NWCP na may magpetisyon para dito.
Dagdag pa ng kongresista, 2018 pa huling nagkaroon ng wage increase at ngayon pa lamang ulit kumikilos kung kailan sobrang-taas na ng mga bilihin at serbisyo.
Suportado naman ng mga miyembro ng panel ang suhestyon sa pagbuwag ng NWCP.