MARCH 30, IDINEKLARANG SPECIAL NON-WORKING HOLIDAY SA CAUAYAN CITY

Cauayan City, Isabela- Pormal nang idineklara ni Cauayan City Mayor Bernard Dy na Special Non -Working Holiday sa darating na March 30 para sa gagawing selebrasyon ng ika-dalawampu’t isang Anibersaryo ng Lungsod ng Cauayan.

Batay sa inilabas na Executive Order no. 15 series of 2022 na nilagdaan ni City Mayor Bernard Faustino Dy, kasabay ng pagdiriwang sa Cityhood anniversary ng Cauayan ay wala munang pasok ang mga nasa pampublikong opisina maging sa mga private agencies.

Ito ay para mabigyan ng pagkakataon na makiisa ang mga empleyado sa mga aktibidades na inihanda para sa pagdiriwang ng anibersaryo ng Cauayan.

Uumpisahan ang paggunita sa Cityhood anniversary ng Cauayan sa pamamagitan ng Thanksgiving mass sa Our Lady of the Pillar Parish Church, parade sa Poblacion area at magkakaroon ng programa sa FLDY Coliseum.

Susundan ito ng State of the Nation Address o SOCA ni Mayor Bernard Dy sa Isabela Convention o ICON at pagbibigay ng parangal sa mga Cauayeñong napiling awardees.

Nakahanda naman ang lokal na pamahalaan ng Cauayan para sa naturang selebrasyon.

Facebook Comments