Binuksan na ngayong alas-10:00 ng umaga ng Kamara ang first regular session ng 19th Congress.
Pinaka-highlight ng sesyon ay ang paghahalal ng bagong House Speaker.
Pinangunahan muna ni House Secretary General Mark Llandro Mendoza ang inaugural session hanggang sa may mailuklok na House Speaker.
Samantala, wala pa man naiuupong lider ng Kamara pero maliwanag na si House Majority Leader Martin Romualdez ang mahahalal na House Speaker.
Bilang tradisyon, kapag opisyal nang naihalal na Speaker si Romualdez ay agad itong magbibigay ng kanyang “acceptance speech”.
Susundan ito ng pagpapatibay ng resolusyon para iparating kay Pangulong Bongbong Marcos na may naihalal na House Speaker.
Ngayon din ihahalal ang mga bagong Majority at Minority Floor Leader.
Samantala, muling ipinaalala ni Mendoza, na ang papayagan lamang sa Plenary Hall at iba pang restricted areas gaya ng North at South Lounge, Executive Lounge at Office of the Majority Leader ay limitado lamang sa mga indibidwal na pinayagang makapasok ng Presidential Security Group (PSG).