Thursday, March 26, 2026

Kamara, nagpakalat ng ilang bus para sa libreng sakay sa bahagi ng Quezon City hanggang Bulacan

Inilunsad ngayon ng House of Representatives ang programang “Biyaheng Damayan: Libreng Sakay mula sa Kongreso.”

Sa ilalim ng programa, nagpakalat ang Kamara ng apat na bus para magbigay ng libreng sakay sa mga bumibiyahe patungo at pabalik sa San Jose del Monte, Bulacan at Fairview Terraces mula sa Quezon City Welcome Rotonda.

Ang libreng sakay ng Kamara ay babiyahe mula 5:30 hanggang 8:00 ng umaga at 4:00 hanggang 7:00 ng hapon tuwing Lunes, Huwebes, at Biyernes simula ngayong araw.

Ipapatupad ito pansamantala para matulungan ang mga mananakay habang nananatiling mataas ang presyo ng produktong petrolyo dulot ng gulo sa Gitnang Silangan.

Ayon kay House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Sandro Marcos, paraan ito ng Kamara para makapagbigay ng agarang tulong sa mga kababayan na labis na apektado ng tumataas na presyo ng langis at pamasahe dahil sa mga pangyayaring wala sa ating kontrol.

Binanggit ni Marcos na ang libreng sakay ng Kamara ay bahagi ng whole-of-government approach ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para protektahan ang purchasing power ng pamilyang Pilipino.

Sa liham ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kay House Secretary-General Cheloy Garafil, hindi ito tumutol sa pag-operate ng apat na bus at hindi required ang special permit dahil official government vehicles ang gamit at walang sisingiling pamasahe.

Facebook Comments