Inilatag na ng Kamara ang long-term rehabilitation plan para sa mga lugar na apektado ng pagputok ng bulkang Taal.
Sa pulong ngayong araw ni House Speaker Alan Peter Cayetano at House Committee on Disaster Management Chairman Lucy Torres-Gomez, napagkasunduan na tututok ang Kamara sa rehabilitation efforts at ipauubaya naman sa mga first responders ang rescue at relief operations.
Naniniwala si Cayetano na maraming matututunan ang Kamara kay Torres-Gomez mula sa karanasan nito sa kanilang probinsya sa Ormoc na tinamaan ng bagyong Yolanda.
Sinabi naman ni Torres-Gomez na hanggang ngayon ay may ilang mga resettlement sa Samar at Leyte na ngayon pa lamang masisimulan kaya’t mahalaga na makabuo ng isang epektibo at convergent na rehab plan.
Kasama din sa pulong ang ilang mga house leaders at chairman ng ibang komite.
Ngayong linggo ay inaasahang magpupulong muli ang grupo kasama ang ilan sa mga kalihim tulad nina DILG Sec. Eduardo Año at Defense Sec. Delfin Lorenzana.
Samantala, magsasagawa naman ng sesyon sa Miyerkules sa Batangas City Convention Center at posibleng maaprubahan din ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience (DDR).