Nagsagawa ng caucus kahapon ang mga mambabatas ng House of Representatives.
Ito ay matapos ang pagpapatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte ng special session ng kongreso para matiyak na hindi maaantala ang pagpapasa ng panukalang 2021 national budget.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, tinitiyak niyang magiging mabunga ang gagawing special session at hihimayin nang husto ang bawat programa na paglalaanan ng pondo.
Giit pa ni Cayetano, inirerespeto niya ang desisyon ng Pangulo na magpatawag ng special session dahil alam ng Pangulo ang sitwasyon at ang dapat gawing pagtugon sa mga problema.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque isasagawa ang special session ng kongreso sa Oktubre 13-16.
Sa ilalim ng Section 15, Article 6 ng ating Konstitusyon, maaaring magpatawag ng special session ang Pangulo anumang oras.
Samantala, una nang inihayag ng mga senador na posibleng ang reenacted budget ng kasalukuyang taon ang gastusin para sa 2021.
Matatandaang sinuspinde ni Cayetano ang sesyon ng kongreso hanggang Nobyembre 16 kahit hindi pa naipapasa ang panukalang budget sa ikatlo at huling pagbasa sa kamara.
Sa gitna ito ng girian sa pagitan ng kampo ni Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco patungkol sa kanilang term sharing agreement.