Inumpisahan na ang pagpapasok ng mga tao sa loob ng Batasan Complex bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng sesyon at huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang mga papasok ngayong umaga tulad ng mga empleyado, pulis at iba pa ay sasakay ng inihandang shuttle bus at hindi pwedeng maglakad sa kalsada o daan sa loob ng Batasan.
Dadaan sa antigen test sa South at North Wing Lobby ang mga empleyado, kongresista, miyembro ng Presidential Security Group (PSG), mga pulis at maging ang mga kongresista bago makapasok sa main building.
Ang mga magpopositibo sa COVID-19 base sa antigen test ay pauuwin o dadalhin sa pinakamalapit na ospital.
Kailangan din dumaan sa access ng PSG QR Code ang mga papasok sa main building, sunod ay pupunta sa assessment para iprisinta naman ang negative RT-PCR test, photocopy ng vaccination card at PSG health declaration form.
Kapag cleared na rito ay lalagyan ng PSG sticker na may QR code ang ibabang kanang bahagi ng face shield, bibigyan ng puting KN95 face mask at susuotan na ng white tag sa kamay patunay na nakadaan ka na sa proseso.
Mahigpit na pinaalalahanan naman ang lahat na sumunod sa minimum health protocols.
Alas-10:00 ng umaga bubuksan ng Kamara ang 3rd regular session ng 18th Congress habang alas-4:00 naman ng hapon ang huling SONA ng Pangulo.