Kamara, naka “semi lockdown” na simula ngayong araw

Isasailalim na sa “semi-lockdown” simula ngayong araw ang Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ito’y kaugnay na rin sa mahigpit na paghahanda ng Kamara sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr na idaraos sa July 25.

Ayon kay House Secretary General Mark Llandro Mendoza, limitado na ngayong araw ang magiging access ng mga papasok sa Kamara at mga “essential” o iyong mahahalaga na may kaugnayan sa SONA ang papapasukin sa Batasan Pambansa.


Aniya pa, posibleng sa Huwebes o sa Biyernes ay ipatupad na nila ang “total lockdown” sa buong Batasan Pambansa Complex.

Tiniyak ni Mendoza na “all systems go” na ang Kamara para sa SONA mula sa preperasyon hanggang sa seguridad.

Nasa 80% na ng mga inimbitahan ang nagpahayag na dadalo sa SONA kabilang dito sina dating Pangulong Joseph Estrada at Gloria Macapagal Arroyo.

Mahigpit namang hinihingi ang pagpapakita ng negatibong resulta ng RT-PCR test, kopya ng vaccine card at imbitasyon para sa mga personal na dadalo sa SONA partikular ang mga papasok sa main building at sa plenaryo.

Si Direk Paul Soriano ang kinuhang director para sa SONA habang ang pambansang awit naman ay aawitin ng grupo mula sa Ilocos.

Facebook Comments