Handa ang Kamara na i-adopt ang Senate version ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO Tax Bill matapos na sertipikahang urgent ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda, kung maaaprubahan ng Senado ang POGO Tax Bill ngayong linggo ay nakahanda naman ang Kamara na i-adopt o tanggapin ang bersyon ng panukala ng Mataas na Kapulungan upang hindi na ito dumaan sa bicameral conference committee at agad na maipadala kay Pangulong Duterte para malagdaan at maging ganap na batas.
Sa House version na pinagtibay noong Pebrero, ang POGO ay papatawan ng 5% na buwis sa kanilang gross gaming receipts, habang ang kanilang service providers ay papatawan ng regular na buwis.
Ang mga tauhan ng POGO na hindi Pilipino ay papatawan ng 25% withholding tax kung kikita ng P600,000 kada taon.
Sakali namang maging batas at maipatupad ang panukala na buwisan ang mga POGO ay tinatayang kikita ang pamahalaan ng P121.9 billion sa susunod na apat na taon.