Tiniyak ng Kamara na babantayan ang paggamit ng ₱165.5 billion na “Bangon” fund para sa pagpapaigting ng COVID-19 response ng pamahalaan at pagbangon ng ekonomiya.
Ito ay kasabay ng nakatakdang pagraratipika ng mababang kapulungan sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ngayong araw, August 24, 2020.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, nakalatag na ang ilang probisyon para sa mahigpit na pagpapatupad ng batas.
Mahigpit din nilang imo-monitor kung paano ang pag-disburse ng mga ahensya sa inilaang budget sa kanila.
Binigyang diin ni Romualdez na hindi katanggap-tanggap kung magkakaroon pa ng delay sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan, partikular ang Social Amelioration Program (SAP).
Minamandato rin sa ilalim ng Bayanihan 2 sa mga Local Government Units (LGUs) na magpasa ng tiyak at aktwal na listahan ng SAP beneficiaries.
Nais nilang maiwasan ang nangyari sa Bayanihan 1 kung saan hindi naging maayos ang database na nauwi sa kalituhan sa pamamahagi ng pondo.
Si House Deputy Speaker Camarine Sur Representative Luis Raymund Villafuerte ang mangunguna sa House panel sa bicameral conference committee meeting para sa Bayanihan 2.