Nangako ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na aaprubahan ang P66 billion supplemental budget para sa Department of Agriculture (DA).
Ito ay matapos i-adopt sa plenaryo ang House Resolution 925 kung saan tinitiyak ng Kamara ang pag-apruba sa pondo para sa stimulus package sa sektor ng agrikultura upang masiguro ang food security, sapat na suplay at access sa pagkain gayundin ang matatag na presyo ng mga pagkain sa merkado.
Sinusuportahan din ng resolusyon ang mga programa ng ahensya para makabangon sa epekto ng COVID-19 pandemic ang mga magsasaka at mangingisda.
Sa ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte ay inatasan niya ang Kongreso na aksyunan ang “Plant, Plant, Plant Program” na may P66 billion stimulus package upang matulungan ang agriculture at fishery sector ng bansa na lugmok ngayon bunsod ng krisis.
Kabilang sa popondohan ng PPP Program ang P31 billion para sa Ahon Lahat, Pagkaing Sapat (ALPAS) Kontra sa COVID-19 program, P20 billion para sa Food Logistics Plan, at P15 billion para sa cash-for-work-program sa mga landless farmers at displaced workers.