Manila, Philippines – Sa tingin ni Senator Panfilo Ping Lacson, nililito ng liderato ng Kamara ang publiko gamit ang paiba-ibang palusot upang maitago ang ginawang pagkalikot sa P3.757-trilyon 2019 budget kahit tapos na itong ratipikahan.
Gayunpaman, buo ang paniniwala ni Lacson na hindi uubra ang palusot ng Kamara na isa lamang “itemization” ang ginawa ng mga kaalyado ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa budget.
Ayon kay Lacson, napakaliwanag na realignment ng pondo ang ginawa ng mga kaalyado ni Arroyo na labag sa konstitusyon.
Tinukoy ni Lacson na sa ginawang pagsusuri ng Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office o LBRMO ay nalantad na umabot sa P95.1 bilyon ang nadagdag sa realignment na ginawa ng Kamara sa 2019 budget.
Ayon kay Lacson, kabilang dito ang pagtapyas ng P72.319 bilyon mula sa Department of Public Works and Highways’ Major Final Output 1 and 2.
Binanggit pa ni Lacson na inilipat din umano at ni-realign ng Kamara ang P79.7 bilyon mula sa ilang congressional districts patungo sa ibang distrito at nag-park pa ng P70 bilyon sa DPWH Central Office, kung saan ang halagang ito ay tinanggal mula sa 87 District Engineering Offices.
Sabi ni Lacson, pinakialaman din ng Kamara ang pondo ng Department of Health (DOH) sa Health Facilities Enhancement Program kung saan kumuha ng tig-P25 milyong bawat kongresista na bomoto para maging house speaker si Arroyo, habang ang iba ay tig 8 milyong piso lamang.