Kamara, “on-track” sa paghahanda sa canvassing para sa mga kandidato sa presidente at bise-presidente

Tiniyak ng Kamara na “on-track” ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa paghahanda para sa gagawing “canvassing” o pagbibilang ng mga boto ng mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente sa darating na halalan sa Mayo 9.

Ayon kay House Sec. General Mark Llandro Mendoza, patuloy ang kanilang koordinasyon ng Kamara sa kanilang counterpart sa Senado, gayundin sa mga opisyal ng Commission on Elections o Comelec.

Kasalukuyan na ring inaaayos ang “set-up” para sa media at iba pang kailangan lalo pa’t malaki ang pagbabago dahil mayroon pa ring COVID-19.


Ang Kamara at Senado ay magko-convene bilang National Board of Canvassers o NBOC-Congress para sa pagbibilang ng mga boto ng presidential at vice presidential candidates, at sila rin ang magpo-proklama sa plenaryo para sa mga magwawaging kandidato.

Noong nakalipas na linggo ay nag-host ang Kamara ng “hands on training” o pagsasanay para sa operasyon ng Consolidation and Canvassing System o CCS.

Facebook Comments