Pinaghihinay-hinay ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang pamahalaan sa paglikha ng mga bagong departamento o tanggapan.
Kaugnay na rin ito ng panukala ng Department of Budget and Management (DBM) na “rightsizing” sa burukrasya kung saan inaasahan na maaalis ang ilang mga posisyon at opisina na “redundant” o nauulit lang din ang functions o tungkulin.
Sinusuportahan ni Rodriguez ang panukalang ‘rightsizing’ dahil makakatipid ang gobyerno ng P15 billion kada taon.
Bukod dito, napuna rin ng mambabatas na maraming ‘redundant’ agencies, councils, offices, task forces at kaparehong mga tanggapan na maaaring lusawin o pagisahin na hindi naisasakripisyo ang tungkulin ng mga natitirang ahensya o opisina.
Dahil dito, umaapela si Rodriguez sa mga kasamahang kongresista na iwasan muna ang pag-aksyon sa mga panukala na paglikha ng bagong ahensya hanggat hindi pa nagagawa ang ‘streamlining’ sa pamahalaan.
Hinimok din ng mambabatas na bawasan o huwag nang bigyan ng pondo ang mga executive branches na nais buwagin o kaya ay isama sa ibang opisina.
Inirekomenda pa ng deputy speaker na bigyan ng dagdag na retirement at separation benefits ang mga maaapektuhang government employees.