Pinalalabas ni Albay Rep. Joey Salceda ang Department of Health (DOH) ng guidelines at protocols upang matiyak na may sapat na health personnel ang mga ospital.
Kasunod na rin ito ng pagkakasakit ng maraming health care workers dahil sa paglaganap ng Omicron variant sa bansa.
Sinabi ng Chairman ng Committee on Ways and Means na sa ngayon ang tanging instruction na sinusunod ng DOH para sa mga healthcare worker na nagkakasakit ay ang Center for Disease Control and Prevention guidelines para sa personnel management.
Ang pangunahing feature naman sa guidelines na ito ay iklian ang isolation periods ng mga vaccinated health worker na magkakasakit.
Payo ng mambabatas, mas mainam kung bubuo rin tayo ng sariling guidelines at protocols na makakatugon sa kakulangan ngayon ng mga hospital personnel.
Iminungkahi ni Salceda na maaaring idagdag sa guidelines ang paghugot ng mga healthcare worker sa mga pagamutan na hindi ganun kaapektado ng pagtaas ng kaso, pagkakaroon ng dorms sa mga health personnel para maiwasan na mahawa ang mga kamag-anak sa tahanan at pagtukoy sa funding sources para sa augmentation ng dagdag na mga medical frontliner.