Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ni ACTS OFW Rep. John Bertiz sa Kamara ang nasa P1B halaga ng kontrata para sa plaka ng mga sasakyan.
Sa privilege speech, sinabi ni Bertiz na maanomalya ang isinagawang bidding ng Land Transportation Office dahil sa hindi nito nasunod ang nakasaad sa Government Procurement Law.
Ayon kay Bertiz, hindi nakasaad sa General Appropriations Act of 2017 ang public bidding para sa procurement ng vehicle license plates kaya matuturing na null and void ang bidding.
Giit ni Bertiz, minanipola lamang ang bidding dahil kinopya lamang ng LTO ang Terms of Reference na ibinigay ng supplier para P998.9M halaga ng plaka ng sasakyan upang tumugma ito sa pangangailangan ng ahensya.
Bukod dito, lumagpas anya sa 45 araw na itinatakda ng batas matapos ang posting nang isagawa ang bidding dahil umabot ito sa 48 araw.
Malaking damage aniya ang idinulot nito sa publiko dahil sa tagal ng proseso at pagri-release ng mga lisensya.
Samantala, ayon naman kay Atty. Leo Romero, na siya nakakuha ng TRO sa kontrata sa plaka ng mga sasakyan sa panahon ni dating DOTC Sec.Jun Abaya, inirekomenda nitong dapat kanselahin ni DOTr Sec. Art Tugade ang kontrata dahil sa iregularidad nito.