Manila, Philippines – Nanawagan ang Mababang Kapulungan sa publiko na maging kalmado muna sa kabila ng deklarasyon ng Pangulong Duterte ng martial law sa Marawi City.
Ito ay bunsod na rin ng pagatake ng Maute group sa Marawi kung saan pinasok ang ospital at paaralan doon.
Ayon kay House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas, manatiling kalmado, ligtas at makipagtulungan sa mga otoridad ang publiko.
Kasabay nito ay inabisuhan ni Fariñas ang mga kasamahang mambabatas na huwag munang uuwi ng kanilang mga distrito pagkatapos ng sesyon mamaya.
Salig sa kanilang rules ay hanggang Biyernes naman talaga ang sesyon kaya maaaring magpatawag ng sesyon anumang oras kung makapagsumite agad ang Pangulong Duterte ng report patungkol sa idineklara nitong martial law sa Mindanao.
Kapag natanggap na nila ang report sa loob ng 48 hours, personal o written man itong iabot sa kanila ng Pangulo ay saka pa lamang isasakatuparan ng Kongreso ang kanilang mandato.
Paliwanag ni Fariñas, hindi na nila kailangang mag joint session dito ng senado bagamat dapat ay joint voting ang magiging sistema para pagtibayin ang martial law sa Mindanao.
DZXL558