Kamara, pinayuhang mag-focus muna sa mga doable na panukala na magbubukas sa ekonomiya ng bansa

Umaapela si Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez III sa mga kongresista na agad isakatuparan ang mga “doable” o mga bagay na maaaring gawin agad para mabuksan ang ekonomiya ng bansa.

Sa nagpapatuloy na pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments sa Resolution of Both Houses No. 2 na nag-a-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon, sinabi ni Dominguez na ang pag-aalis sa restrictive provisions sa 1987 Constitution ay isang significant factor para mapabilis ang pagangat ng ekonomiya ng bansa.

Pero, iginiit ni Dominguez sa panel na kung may paraan para buksan ang ekonomiya ng bansa at amyendahan ang umiiral na batas para sa ekonomiya ay gawin na ito agad.


Ilan sa mga panukala na sa tingin rin ng Kalihim na magpapaluwag sa ekonomiya ng bansa at magpapasok ng foreign investors ang agad na pagsasabatas sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE ACT, Retail Trade Liberalization Act, Foreign Investments Act at Public Service Act.

Tinukoy pa ng kalihim na batay sa 2019 Foreign Direct Investment Regulatory Restrictiveness Index, ang Pilipinas ay nasa ika-apat na global ranking ng may pinakamahigpit na ekonomiya pagdating sa dayuhang pamumuhunan.

Tinawag pa ni Dominguez na “outdated” o lipas na ang paghihigpit sa economic activity at hindi rin maganda na patuloy na nakatali ang kamay ng bansa sa mga fixed na polisiya na pumipigil sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa.

Facebook Comments