Kamara, pinigilan muna ang pag-iisyu ng show cause order sa tatlong CA justices

Manila, Philippines – Ibinitin muna ang pag-iisyu ng Kamara ng show cause order sa tatlong Court of Appeals Justices para pagpaliwanagin kung may sapat na dahilan ba ang release order na kanilang inilabas para sa Ilocos 6.

Dahil dito ay pansamantalang naiwasan ang banggaan ng Kamara at Court of Appeals.

Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johnny Pimentel, inaprubahan ni Speaker Pantaleon Alvarez na huwag na munang isyuhan ng show cause order ang tatlong mahistrado ng CA.


Aniya, pinal na ang kanilang desisyon na hintayin ang desisyon ng mga mahistrado ng Special Fourth Division ng CA sa kanilang motion for inhibition.

Partikular na pinag-i-inhibit sina Justices Stephen Cruz at Nina Valenzuela dahil may bias na umano ang mga ito.

Sakali namang hindi mag-inhibit ang mga ito ay itutuloy nila ang show cause order para pagpaliwanagin ang mga mahistrado kung bakit hindi sila dapat na i-contempt dahil sa pag-sagasa sa contempt power ng Kamara.

Kung hindi naman makuntento ang mga kongresista sa paliwanag ay iisyuhan nila ang mga ito ng warrant of arrest at ipapaditine sa loob ng Batasan Complex.

Facebook Comments