
Target ng House of Representatives na maipasa na sa ikatlo at huling pagbasa ngayong linggo ang House Bill No. 8418 o panukalang magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suspendehin o bawasan ang excise tax sa produktong petrolyo.
Batay sa panukala, pwede itong gawin ng pangulo sa panahon ng national o global economic emergencies o kapag pumalo sa $80 USD ang Dubai crude oil price.
Pangunahing may-akda ng panukala sina House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos at House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Diin ni Rep. Marcos, tugon ito sa tumataas na presyo ng langis na tiyak makakaapekto o magpapataas din sa gastos sa transportasyon, pagkain at iba pang pangangailangan dulot na rin ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Tiwala si Rep. Marcos na malaki nag maitutulong nito para maibsan ang pasanin ng mga manggagawa, mga tsuper, maliliit na negosyo at bawat pamilya sa epekto ng tumataas na presyo ng langis.
Ang panukala ay sinertipikahan na ring “urgent” ni PBBM.










