Manila, Philippines – Pinalagan ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Johny Pimentel ang paglabas ng fake news kaugnay sa imbestigasyon ng Kamara sa iregularidad sa paggamit ng Ilocos Norte government ng tobacco excise fund.
Ito ay tungkol sa lumabas na balita sa isang website kung saan kino-quote si Pimentel at sinasabi niyang dapat mag inhibit si House Majority Leader Rodolfo Fariñas sa nasabing pagdinig.
Binigyang diin ni Pimentel na walang katotohanan ang nasabing balita dahil kabaliktaran ito sa naging pahayag sa press conference sa Kamara nitong nakaraang Huwebes.
Paglilinaw nito, ang sinabi niya sa nasabing presscon ay hindi maaaring hilingin na mag-inhibit si Fariñas sa pagdinig dahil isa ito sa may akda ng resolusyon para imbistigahan ang nasabing iregularidad.
Bagamat naalis na aniya sa website ang nasabing balita ay dismayado ang kongresista dahil may mga malalaking media organizations ang nabibiktima ng fake news.
Sa Hulyo 25, muling ipagpapatuloy ng kamara ang pagdinig sa nasabing isyu kung saan inaaasahang haharap si Ilocos Norte Governor Imee Marcos.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558