Tumangging magbigay ng anumang komento ang Mababang Kapulungan tungkol sa pagpirma ni Senate President Tito Sotto III sa P3.757 Trillion 2019 budget.
Batay sa inilabas na pahayag sa tanggapan ni House Committee on Appropriations Chairman Rolando Andaya, hindi muna magbibigay ng anumang komento sa ngayon ang mga lider ng Kamara tungkol sa pagpirma ni Sotto sa budget.
Wala namang inilabas na paliwanag dito ang Kamara pero naging maugong ang balitang ito ay bilang pagrespeto sa mga senador.
Nauna naman nang naghayag noon ang Kamara na papaburan nila sakali mang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilan sa mga kwestyunable sa pambansang pondo.
Inihayag naman ni Sotto sa kanyang annotation sa Pangulo na pinirmahan niya ang 2019 budget na may ‘strong reservations’ at ipinauubaya sa Presidente ang pag-veto sa ilang realignment sa pondo.